You are on the Official blog site of Barangay Rugao, Ilagan City, Isabela! Don't forget to leave a comment.

Friday, April 8, 2011

Aral sa pagbitay sa tatlong pinoy sa China – isang paalaala sa mga OFW


Kamakailan lamang ay nagluksa ang Pilipinas sa pagkabitay ng tatlo nating kababayan na sina Sally Villanueva, Elizabeth Batain at Ramon Credo. Masakit man sa pamilya ng tatlong OFW ang kanilang sinapit ngunit bilang Pilipino ay may mahalagang leksiyon na makukuha sa pangyayaring ito.

Ayon sa estadistika, umaabot sa isang milyon ang umaalis ng bansa upang makipagsapalaran kada taon. Sa kabuuan, halos 8.2 milyong mga Pilipino ang nasa ibang bansa. Sa bilang na yan, humigit kumulang na 7,000 na Pinoy ang nasa kulungan sa ibat ibang panig ng mundo na sangkot sa iba’t ibang kaso – at 125 na pinoy ang napipintong bitayin – 85 sa mga pinoy na ito ay sangkot sa kasong droga.

Sa ngayon, maraming mga pamilya ng mga OFWs ang nababahala sa kalakaran ng drug trade sa Pilipinas. Sa Rugao na lang, maraming mga kababayan natin ang natatakot para sa kanilang mga kapamilya na nasa ibang bansa. Natatakot silang sapitin din ng mga taga Rugao na OFW ang nangyari sa tatlo na naging biktima ng West African Drug Syndicate (WADS). Kaya naman naisip kong isulat ang artikulong ito.

Ayon sa balita, hindi alam ng mga nabitay na may dala pala silang droga. Sa kaso ni Sally Villanueva, siya ay napakiusapan lamang umano na dalhin at iabot ang isang bag sa isang tao sa China. Hindi niya ito inakalang droga pala ang laman. Kaya sa mga miyembro ng ROC, lalo na ang mga umaalis palabas ng Pilipinas siguraduhin na HINDI KAYO PAPAYAG NA KUMUHA NG ANO MANG PADALA NA IPINAPAKIUSAP SA INYO NG KAHIT NA SINO.

Sa kaso naman na alam ng mga biktima na may dala silang droga, siguraduhin na huwag kayong pasisilaw sa laki ng bayad at tamis ng mga pangako ng sindikato. Napag alaman na malaki ang perang kapalit ng pagiging ‘drug mule’ at pinapangakuan ang sinumang pumapayag na maging carrier. Pinapangakuan nila ang mga nabibiktima na kapag nahuli sila ay aayusin ito ng sindikato para makaalis din sa kulungan. Ito po ay puro pangako lamang. Kaya HUWAG KAYONG PASISILAW SA KAHIT NA ANUMANG ALOK NA MAY KAPALIT NA MALAKING HALAGA.

Ang ilan naman ay inakalang may trabaho  na inaalok sa kanila sa China o sa Middle East na walang placement fee at direct hiring. At pag pumayag, ay ipapadala ang biktima sa bansa ayon sa pangako at pagbibitbitin  ng bag na may lamang droga na hindi alam ng biktima. Kaya SIGURADUHIN NA ANG TRABAHONG PAPASUKAN SA IBANG BANSA AY DUMAAN SA LEGAL NA PROSESO. Wag dapat padadala sa madaliang pangingibang bansa dahil maari itong maging mitsa ng kalbaryo at kamatayan.

Naway makatulong ang paalalang ito sa mga taga ROC. Hangad natin na iwasan ang ganitong kaso lalo pa’t buhay ang kapalit.

No comments:

Post a Comment