You are on the Official blog site of Barangay Rugao, Ilagan City, Isabela! Don't forget to leave a comment.

Sunday, September 2, 2012

A CORNy Story

Plastic bag. Sumbrero. Sweat shirt. I'm all set!

Sumisikat pa lang ang araw, parang fiesta na sa dami ng taong nasa daan. Bata at matanda. Lalake at babae. "Intayon!", sigaw ng aming kapitbahay at mga kaibigan. Buong sigla at saya akong lalabas sa aming bahay dala ang aking mga gamit. Ngayon ay araw ng pamimitas ng mais sa tumana o kuman.

Sa aking pagkakatanda, siyam na taong gulang ako ng una akong sumabak sa pamimitas ng mais sa bukid. Inaya ako ng aking mga pinsan sa bukid ng aking Inang Baket (Lola) dahil bibigyan daw kami ng mais para ibenta kung tutulong kami.
     
Maliban sa perang kikitain na noo'y nagkakahalaga ng 25 pesos para sa halos limang oras na pagbababad sa matinding init ng araw, ay hindi matatawaran ang saya na dulot ng pamimitas ng mais. Ito ay isang pagkakataon na makakasama mo ang mga kaibigan mo. Di ko malilimutan ang mga nakakatawang huntahan (kwentuhan) habang binabraso ang makakating mga dahon ng mais at uod at minsa'y masukal at hitik sa matitinik na Gamuza. At siyembre, inaabangan ko rin ang meryenda na kadalasan ay concentrated orange juice na nakabote at tinapay na binili mula sa tindahan. Ni hindi ko nga alintana ang tagaktak ng pawis ko. Idagdag mo pa ang sayang dulot ng paglalakad ng ilang kilometro bago marating ang bukid. 

Naaalala ko, isa rin sa mga dahilan kaya nakikipitas ako ng mais ay para may baunin ako sa paaralan. Nakakatawa nga lang, minsan ay nakikipitas ako para may ipangsugal. Oo, bata pa lang ako ay nakikipaglaro na ako ng baraha sa mga matatanda kasama ang mga bata ring tulad ko. (Alam kong ilan sa inyong bumabasa nito ay nakalaro ko din noon).

Sa ngayon, panahon na naman ng anihan. Sa aga kong nagigising para pumasok sa paaralan kung saan ako nagtuturo, nakikita ko ang mga taga Rugao na pumupunta sa bukid. Para ngang nakikita ko ang sarili ko sa kanila. Sabi ko tuloy, parang wala pa ring pinagbago. Minsan nalulungkot ako kasi marami sa kanila ang matagal ng ginagawa ito pero madalas masaya ako kasi bumabalik sa akin ang gawaing aking kinasanayan at kinagisnan at hindi ko ito ikinakahiya. Sa totoo lang parang gusto ko ulit mamitas ng mais kaya lang wala akong panahon dahil maghapon naman akong babad sa pagtuturo. Pero kung may magpapapitas ng gabi malamang pupunta ako para muling maranasan ko ang masayang kwentuhan sa kuman

Gusto nyo bang sumama? E ikaw, ano ang iyong CORNy story?   



2 comments:

  1. masayang balikan ang nakaraan lalo pa d2 tau ngsimula.minsan naiisip ko ang buhay nmin kaming mgkkapatid,minsan wlang makain at kadalasan wlang baon papuntang eskwelahan.sa tuwing reses madalas umuuwi pra uminom lng ng 2big kc wlang pambili ng tinapay.dati nga meron rasyon s elementary,ung maliit n monay at ito ay kinukuha p s rugao at halos apat n kilometro ang nilalakad nmin bgo mrating nga eskwelahan.nkkapagod pero kailangan pra malirbe lang ng isang peras ng monay.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Kaya nga.. masarap gawing inspirasyon ang ating mga paghihirap sa buhay..

      Delete